Martes, Oktubre 4, 2011

" Anumang Palayok, May Kasukat Na Tuntong "


Anumang palayok, may kasukat na tuntong,
Ang kasabihang ito'y sa pag-ibig tumutungkol;
Anumang ipinukol kung ito ay ukol,
Walang pagsalang ito ay bubukol...

Ito ang lagi kong naririnig sa 'king biyenan,
Sa tuwing pag-aasawa ang napag-uusapan;
Kahit 'di ka mag-pilit, mapapasaiyo iyan,
Kapilas ng puso mo'y darating sa 'yong buhay...

Anumang palayok, may kasukat na tuntong,
Sa lalaki't babaeng pinagtiyap ng panahon;
Diyos ang nagtakda para sa Kanyang layon,
Karapat-dapat na kabiyak sa iyo'y iaayon...

Maganda rin naman, pag-aasawa'y balakin,
Paghahanda'y mainam upang lahat ay ayusin;
'Di dapat mapahiya sa mga panauhin,
At ang kasalan ay maging tagumpay din...

Subali't ganoon pa man, walang sasansalà,
Na itong kasabihang sa pag-aasawa'y akmâ;
Binalak man o hindi, kabiyak ay itinalagà,
Sa bawa't isa sa atin, may asawang itinakdâ...

Kung may tao mang pag-aasawa'y 'di gusto,
Maraming dahilang hindi natin masisino;
Subali't isa lang ang masasabi't opinyon ko,
Ang binhi'y masasayang kung magkaganito...

"It's better to have loved and lost
than never have loved at all"
Mabuti pa ang umibig at nabigô,
Kaysa hindi na umibig kahit kailan man...

Anumang palayok, may kasukat na tuntong,
Hindi maaarok, para bang isang bugtong;
Subali't huwag malungkot ang sinuman,
Kabiyak ng puso'y siguradong makakamtan!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento